Nabayaran na ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang ginastos ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio sa kanyang drug test.
Sa isang comment sa Facebook post ni Respicio, nag-post si Remulla ng screenshot ng GCash transaction na nagpapakitang nagpadala siya ng P28,011 ngayong araw, kasama ang mensaheng “Eto na. Happy?”
Sa mensahe sa media, kinumpirma ni Remulla na bayad na ito. Ginamit daw niya ang account ng kanyang assistant dahil wala siyang sariling e-wallet application.
Matatandaang hinamon ni Respicio si Remulla na i-refund ang P28,000 na ibinayad niya sa drug test, matapos siyang sabihan ng kalihim na mukha siyang gumagamit ng ilegal na droga dahil sa kanyang naging asal sa regular session ng bayan.
Nagnegatibo si Respicio sa walong uri ng ilegal na droga, batay sa resulta ng drug test mula sa isang pribadong ospital sa Quezon City kahapon.
Matapos ang resulta, binati ni Remulla si Respicio, pero iginiit niyang lumalabas na natural lang pala ang asal nito.