Nagbukas ang Estados Unidos ng direktang pakikipag-usap sa mga lider ng militar ng Myanmar matapos ang ilang taong pag-iwas ng Washington sa rehimeng namuno sa bansa kasunod ng kudeta noong 2021.
Nakipagpulong nitong Setyembre sa Naypyitaw si U.S. Assistant Secretary of State for Intelligence and Research, Michael Vance, kay Min Aung Hlaing, pinuno ng junta at kasalukuyang lider ng Myanmar.
Una umanong tinalakay ang pagpapalaya sa isang Amerikanong negosyante ngunit lumawak ang usapan sa posibleng kooperasyon laban sa mga scam center na nakabase sa Myanmar at nanlilinlang sa mga Amerikano.
Napag-usapan din ang posibilidad ng access ng Estados Unidos sa mahahalagang rare earth minerals ng Myanmar.
Gayunman, nananatili ang mga parusa ng Washington laban kay Min Aung Hlaing dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao.
Samantala, pinuna naman ng ilang mambabatas ang hakbang dahil maaari umano nitong palakasin ang lehitimasyon ng rehimeng militar.