Itinapat ni Senate President Sherwin Gatchalian sa mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang sinasabing ₱96 milyong pisong joint time deposit na lumitaw sa mga bank records na iniharap sa Impeachment Court.
Sa pagtatanong kay BPI Central Manila Branches Division Head Marwin Galvez, kinumpirma nitong may joint time deposit na binubuo ng ₱40 million at ₱55 million noong 2010 at 2011, o kabuuang halagang humigit-kumulang ₱96 million pesos.
Ayon sa prosecution, ang naturang halaga ay nauugnay sa paulit-ulit na transaksyon para sa dalawang manager’s check na tig-₱41 million at ₱55 million ang halaga, mula 2011 hanggang 2013.
Sinabi ni Gatchalian na hindi niya nakikita ang ₱96 million time deposit sa SALN ni VP Sara noong 2010 at 2011.
Aniya, nais niyang iugnay ang mga transaksyon sa SALN para makita kung may pattern.
Kinumpirma naman ni Galvez na batay sa mga dokumentong isinumite, may ₱96 million time deposit noong 2010 at 2011.
Samantala, iginiit naman ni Defense Counsel Atty. Michael Poa na mahalagang malaman muna kung alam ni VP Sara ang naturang account bago ito iugnay sa kaniyang SALN.
Ayon kay Poa, walang pirma ni Duterte sa mga time deposit transaction na ipinakita sa pagdinig at ang mga ito ay isinagawa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tumugon naman si Gatchalian na kaya niya tinanong ang mga signature card at proseso ng KYC (know-your-costumer) para malaman kung may pirma na si VP Sara sa joint account noong 2010.
Ayon sa senator-judge, lumilitaw sa records na mayroon nang pirma ni Duterte sa naturang joint account noon.