Nilinaw ng isang opisyal ng bangko na may mga pagkakataong bumibili ang mga kliyente ng Manager’s Check pero hindi ito ginagamit at kalaunan ay ibinabalik ang halaga sa kanilang account.
Sa Day 35 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino si BPI Division Head Marwin Galvez kung karaniwang ginagawa sa banking industry ang pagbili ng Manager’s Check para pansamantalang mawala sa ending balance ng account at maibalik makalipas ang ilang buwan.
Ayon kay Galvez, may mga kliyenteng bumibili ng Manager’s Check na hindi nagagamit, kaya hinihiling nilang ibalik ito sa account ng purchaser.
Gayunman, hindi niya makumpirma kung may partikular na tawag o termino sa banking industry para sa ganitong gawain.
Tinanong din ni Aquino kung nakasaad sa records ang layunin ng pagbili ng Manager’s Check, pero sinabi ni Galvez na walang nakatalang purpose sa dokumentong sinuri nila.
Sinabi ni Galvez na hindi niya masasagot kung may mga kliyenteng sadyang bumibili ng Manager’s Check at ibinabalik ito makalipas ang ilang buwan.
Aniya, may mga pagkakataong hindi talaga nagagamit ang Manager’s Check at naibabalik ang halaga sa account pero hindi niya masasabi kung sinasadya ito ng mga kliyente.