Pinaplantsa na ng National Food Authority ang pagpapatupad ng isang Korean assisted project na magpapahusay sa pag-iimbentaryo ng NFA rice stocks sa buong bansa.
Sa ilalim ng Korean-assisted project, lalagyan ng barcode o QR code ang bawat sako ng bigas para maging mas mabilis at accurate ang pagtatala ng pagtanggap at pag-iisyu ng bigas, at mapabuti ang monitoring sa status at movement ng NFA stocks.
Bilang pilot implementation, nagsagawa na ng aktuwal na pagpapatupad at orientation ang NFA sa dalawang East District Branch Office warehouses sa Antipolo City.
Gagamit ang mga warehouse ng barcode generator, barcode scanner, at laptop, habang magkakaroon din ng desktop computer para sa Buffer Stocks Management section.
Ang proyekto ay bahagi ng modernization at innovation efforts ng NFA para mapalakas ang rice buffer stock management at food security ng bansa.