Photo: DOST -PHIVOLCS
Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ukol sa posibilidad ng manipis na pag-ulan ng abo (ashfall) sa ilang katabing bayan matapos magtala ng isang minor phreatomagmatic eruption sa pangunahing krater ng Bulkang Taal nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 8.
Naganap ang naturang pagputok ganap na 6:06 ng gabi na tumagal nang hindi bababa sa limang minuto, batay sa mga naitalang datos mula sa seismic at camera monitoring ng Taal Volcano Network.
Ayon sa PHIVOLCS, inaasahang makararanas ng bahagyang ashfall ang mga bayan sa timog-kanlurang baybayin ng lawa katulad ng:
- Agoncillo
- Lemery
- San Nicolas
- Taal, Batangas
- At iba pang katabing lugar
Lumikha ang pagputok ng maitim na abong usok (dark gray plume) na umabot sa taas na 4,000 metro mula sa krater. Huling naidokumento ang kaganapan ng mga camera sa Main Crater West Rim (VTWR), Daang Kastila (VTDK), at Buco (VTBC).
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal.