Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang isang bagong learning toolkit upang isulong ang maagang career exploration sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Katuwang ang Southeast Asian Ministers of Education Organization Regional Centre for Educational Innovation and Technology (SEAMEO INNOTECH), sinasabing malaking hakbang ang Career Development for Children (CD4C) toolkit tungo sa pagpapalawak ng kamalayan sa mga estudyante.
Layunin nitong isama sa mga silid-aralan ng early primary level ang career guide sa mga estudyante sa pamamagitan ng Homeroom Guidance Program na dating ibinibigay lamang sa mga nasa high school.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naniniwala siyang hindi sa high school nagsisimula ang pag-usisa at ambisyon ng isang bata kung hindi sa unang araw pa lamang ng pagtuntong nito sa silid-aralan.
Kaya sa pamamagitan nito ayon sa kalihim, binubuksan nito ng maaga ang mga pintuan sa career exploration upang tulungan ang mga batang mag-aaral na maisip ang kanilang magiging hinaharap, at maiugnay ang kanilang edukasyon sa realidad ng buhay.
Binigyang-diin din ni Angara, na ang maagang paggabay sa karera ay magsisilbing patas na pagkakataon para sa lahat ng uri ng learning environment sa buong bansa.