Pinag-iingat ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang publiko laban sa mga indibidwal o grupong nag-aalok ng housing slots partikular sa Sining Residences I sa San Pedro at The Meadow sa Biñan, Laguna.
Ayon sa DHSUD, ang mga nasabing resettlement site ay hindi bukas para sa general public application sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program.
Paliwanag nito, eksklusibong nakalaan ang mga ito para sa mga pamilyang maaapektuhan ng North-South Commuter Railway Extension Project ng Department of Transportation (DOTr).
Dahil dito, pinapayuhan ng ahensya ang publiko na mag-ingat sa mga alok na nagsasabing maaaring makakuha ng housing slot sa mga nasabing proyekto, lalo na kung may hinihinging bayad o transaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal.
Hinihikayat din ang mga interesadong aplikante na direktang makipag-ugnayan sa mga opisyal at lehitimong ahensya ng pamahalaan.