Pormal nang isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon nito laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito ng umano’y iregularidad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng Bise Presidente.
Ayon sa NBI, nakabatay ang kanilang findings sa paunang imbestigasyon hinggil sa umano’y hindi pagtutugma ng idineklarang halaga ng ari-arian ni Duterte.
Kabilang dito ang isang property sa Davao City na umano’y idineklara sa halagang P890,000, ngunit tinatayang maaaring nagkakahalaga ng hanggang P60 million.
Samantala,nauna nang itinanggi ni VP Sara ang pagmamay-ari sa loteng iniugnay sa kanya ng NBI.