Hindi katanggap-tanggap para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagharang ng China sa medical evacuation ng isang sundalo sa BRP Sierra Madre lalo’t kinakailangang madala sa pagamutan ang mayroong sakit na tauhan.
Tinukoy ng Pangulo ang insidente bilang indikasyon ng paglala ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa Pangulo, maaaring maisama ang insidente sa mga talakayan hinggil sa provisional understanding ng Pilipinas at China, gayundin sa kasunduan sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea (SCS).
Kaugnay nito, nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa mga kaalyadong bansa, para sa patuloy na suporta sa Pilipinas.
Pinuri din ng Pangulo ang mga otoridad sa patuloy na pagtulong sa mga mangingisda at pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa WPS at hindi nagpatinag sa pamba-braso ng Chinese authorities.