Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang pamamaril ng isang miyembro ng Task Force Disiplina ng Quezon City sa tatlong kabataang lumabag umano sa curfew.
Ayon kay PNP spokesperson PCol Allen Rae Co, sinusuri na ng pulisya kung rehistrado at kanino nakapangalan ang dalawang baril na narekober mula sa suspek.
Kabilang dito ang isang kalibre .38 na revolver, na siyang ginamit sa pamamaril, at isang 9mm na baril.
Sinabi ni Co na aalamin din kung nasa impluwensya ng alak ang suspek nang mangyari ang insidente, at hihilingin ng PNP na isailalim siya sa drug test.
Ngayong araw, nakatakdang isampa ang tatlong bilang ng kasong murder laban sa kanya.
Nilinaw din ni Co na hindi binibigyan ng baril ang Task Force Disiplina at hindi rin awtorisadong magdala nito ang kanilang mga miyembro habang naka-duty.
“Now yung kanilang trabaho bilang Task Force Disiplina members does not entitle them or authorizes them to carry firearms while doing their duty kasi ito nga ordinances and regulations, ibig sabihin mga curfew, siguro walang suot t-shirt na pang itaas, nag iinom sa kalsada ito ang mga titingnan lang so there is actually no need for them to carry firearms in carrying out their duties as members of Task Force Disiplina,” ani Co. Giit ni Co, hindi kailanman makatwiran ang pagpatay, anuman ang nilabag na ordinansa o batas.