Saan napunta ang pondo ng gobyerno? Sino ang nakatanggap nito? Talaga bang naipatupad ang proyekto?
Ilan lamang ito sa mga tanong ng mga Pilipino na mabibigyan ng kasagutan sa pamamagitan ng iisang government transparency platform, habang patuloy na pinapalawak ng Department of Budget and Management (DBM) ang COMPASS system nito para maging isang end-to-end public spending monitoring mechanism.
Ibinahagi ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na target ng departamento na pagsamahin sa COMPASS ang impormasyon tungkol sa budget, procurement, project implementation, at citizen reporting pagsapit ng 2027. Sa pamamagitan nito, mas madaling makikita at masusuri ng publiko kung paano ginagamit ang pondo ng pamahalaan.
Sa kanyang pagdalo sa 58th Annual Conference ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) noong ika-9 ng Oktubre, binigyang-diin ni Secretary Kim na isa sa mahahalagang repormang isinusulong ng DBM ang patuloy na pagpapahusay sa COMPASS upang palakasin ang transparency, accountability, at mga hakbang laban sa korapsyon.
“COMPASS is a work in progress. We started that by uploading just appropriations data,” paliwanag ni Secretary Kim.
“We’re starting to integrate information about procurement, information about project implementation, and later on, we are also integrating citizen monitoring and reporting,” dagdag niya.
Ayon sa Budget Chief, layunin ng COMPASS na mabigyan ang bawat Pilipino ng kakayahang subaybayan ang daloy ng pondo ng bayan sa bawat yugto ng paggastos ng gobyerno, sa halip na malaman lamang kung magkano ang inilaan sa isang programa o proyekto.
“Once you log on to COMPASS—that’s why the name was chosen carefully—it will really point you where the money went, from appropriation to procurement to implementation and to citizen reporting,” ani Secretary Kim.
Ibinahagi rin niya na target ng DBM na magkaroon ng mas malawak na monitoring capability sa kalagitnaan ng 2027, at ganap na maisakatuparan ang end-to-end monitoring ng mga pondong nakapaloob sa General Appropriations Act bago matapos ang nasabing taon.
Layunin din ng inisyatibang gawing mas madali para sa publiko ang pag-access, pag-download, pag-unawa, at paggamit ng impormasyon tungkol sa pondo ng gobyerno.
Aminado si Secretary Kim na bagama’t marami nang budget information ang inilalathala ng pamahalaan, hindi pa rin ito madaling hanapin at suriin dahil sa kasalukuyang paraan ng paglalahad ng mga datos.
“Gone are the days that transparency is just measured by just uploading a thousand-page PDF on our website,” diin niya.
Kaugnay nito, inilarawan ng Budget Chief ang limitasyon ng kasalukuyang online disclosures ng gobyerno.
“I refer to our website as a data dump. But technically, it’s all there. Pero bahala na po kayong maghanap. Bahala po kayong mag-re-encode kasi it’s a PDF file.”
Sa pamamagitan ng COMPASS, nais ng DBM na tugunan ang mga hamong ito upang mas madaling mahanap, maintindihan, at magamit ng mga mamamayan, researchers, civil society organizations, at iba pang stakeholders ang budget information na kailangan nila.
Bilang halimbawa, binanggit ni Secretary Kim na maaaring makita sa platform kung magkano ang National Tax Allotment (NTA) na natatanggap ng bawat barangay. Sa ganitong paraan, masusuri rin ng mga residente kung paano ginagamit ng kanilang mga lokal na opisyal ang pondong inilaan para sa kanilang komunidad.
“You can even see how much NTA your barangay receives every year, so that people can hold accountable not only their President, Senator, but even their punong barangays and kagawads,” paliwanag niya.
Hinimok din ng Budget Chief ang private sector, civil society, at publiko na aktibong suriin ang impormasyon tungkol sa paggastos ng pamahalaan at magbigay ng kanilang mga puna at suhestiyon.
“Scrutinize us. Challenge us, and help us improve,” panawagan niya sa mga miyembro ng FINEX.
Para kay Secretary Kim, unang hakbang lamang ang paglalathala ng impormasyon ng gobyerno. Nagiging makabuluhan ang transparency kapag nagagamit ito ng mga mamamayan upang magtanong tungkol sa mga desisyon sa paggastos, subaybayan ang mga proyekto, at panagutin ang mga may responsibilidad sa paggamit ng pondo ng bayan.
“Transparency is only meaningful if the information we publish gets used and we get feedback based on that information,” diin niya.
Inanyayahan din niya ang iba’t ibang stakeholders na magmungkahi ng iba pang budget information na nais nilang makita sa COMPASS, dahil mahalaga ang pakikipagtulungan ng gobyerno at publiko sa patuloy na pagpapahusay ng platform.
“If you want data or information from government, it should be available in DBM COMPASS. So let us know what pieces of information would be useful to you,” ani Secretary Kim.
Sa patuloy na pagpapalawak ng COMPASS, layunin ng DBM na gawing mas madali at makabuluhan ang pakikilahok ng mga Pilipino sa pagsusuri ng paggastos ng gobyerno. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ng publiko kung saan napupunta ang bawat pisong inilaan mula sa kaban ng bayan, kung naipatutupad ang mga proyekto, at kung tunay na nakararating ang mga serbisyo at benepisyo sa mga Pilipinong nangangailangan nito. | Press Release by the Department of Budget and Management