Binigyang-diin ni Department of Budget and Management o DBM Secretary Kim Robert De Leon na hindi sapat ang paggastos ng 98% ng budget kung kulang ang benepisyong naihahatid sa mga Pilipino.
Sa taunang kumperensya ng Financial Executives Institute of the Philippines noong Oktubre 9, sinabi ni De Leon na dapat sukatin ang mga ahensya batay sa natutupad na mga target at aktuwal na resulta ng kanilang mga programa.
Nagbabala rin siya laban sa hindi kailangang paggastos para lamang mapataas ang budget utilization rate.
Naghahanda ang DBM ng mga pagbabago sa patakaran upang higpitan ang paggastos at matiyak na nagagamit nang maayos ang pondo para sa kapakanan ng publiko.