Walang exemption o special treatment na matatanggap ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project sa Davao City.
Ito ang iginiit ni DPWH Secretary Vince Dizon kasunod ng rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kasong kriminal ang mga opisyal ng DPWH Davao City District Engineering Office at ang pribadong kontratistang Genesis88 Construction Corporation.
Kaugnay ito ng mga kuwestiyonableng proyekto sa congressional district ni Davao City Representative Paolo Duterte.
Ayon kay Dizon, kailangang panagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa iregularidad, anuman ang posisyon o katungkulan sa pamahalaan.
Tiniyak din ng kalihim, na patuloy na makikipagtulungan ang ahensya sa mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa mga naturang anomalya.