Magbabago ang paraan ng pagkukuwenta sa halagang babayaran sa pagbili at pagbebenta ng mga government at corporate bond na nasa piso simula January 4, 2027.
Ayon sa Bureau of the Treasury, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission at Insurance Commission, iaayon ang sistema sa pandaigdigang pamantayan upang mas makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.
Walang aktuwal na epekto ang pagbabago sa mga mamumuhunang hahawak ng kanilang mga bond hanggang maturity o takdang pagbabayad.
Mananatili rin ang mga obligasyon sa buwis, kondisyon ng mga bond at nakatakdang pagbabayad ng interes at prinsipal.
Gayunman, maaaring magbago ang pagkukuwenta ng settlement value para sa ilang transaksiyon.
Target na makumpleto ang mga kaukulang regulasyon at sistema bago matapos ang 2026. Inaasahang makatutulong ang reporma sa pagpapalawak ng bond market at pagpapababa ng gastos sa pangungutang ng pamahalaan at mga negosyo.
