Binuweltahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. si Vice President Sara Duterte at ang Chinese Embassy sa Pilipinas hinggil sa mga retorika na “TROUBLEMAKER” o “TAKAW-GULO” umano ang Pilipinas sa Timog-Silangang Asya.
Sa panayam ng Defense Press Corps kay Teodoro, maituturing na insulto ang nabanggit na mga pahayag laban sa mga sundalong Pilipino na naninindigan sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Binira rin ng kalihim ang mga Pilipinong tinawag niyang “GASLIGHTERS” dahil sa tila ito pa aniya ang nagpapaningas ng apoy at mas malala ay nagiging mortal na kaaway ng sarili nitong kalahi.
Iginiit ni Teodoro na hindi sila nag-uudyok ng digmaan gayundin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas kundi nais lamang nilang ipaglaban kung ano ang dapat sa bansa.
Una rito, pinalutang kamakailan ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang tuluyang pagsuspinde ni Teodoro sa Military-to-Military Communications sa pagitan ng dalawang bansa, hakbang na ginawa ng kalihim tatlong taon na ang nakalilipas.
Dahil dito, malinaw ayon kay Teodoro na hindi Pilipinas ang “TAKAW-GULO” kundi ang China mismo.