“Pick a fight with someone your own size—Philippines will never be intimidated.”
Ito ang matapang na statement ni House prosecution panel adviser at spokesperson na si Rep. Ace Barbers sa pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na “madaling mananalo” ang China kung gagamit ng puwersa ngunit mas pinipili di umano ang kapayapaan.
Tinawag ito ni Barbers na isang arogante at tahasang pagpapakita ng kapangyarihan na walang lugar sa ugnayang diplomatiko.
Panawagan ng Mindanao solon sa Beijing na itigil ang pagtrato sa mas maliit na sukat ng Pilipinas bilang senyales ng kahinaan.
Ayon sa dating kinatawan at gobernador ng Surigao del Norte, walang anumang nakakapagpalagay ng loob sa pahayag ng isang dayuhang diplomat sa kanyang tila pananakot na pahayag.
Punto pa niya, ang tunay na kapayapaan ay hindi sinusukat sa kung gaano kalaking pinsala ang kayang idulot ng isang makapangyarihang bansa, kundi sa antas ng respetong ibinibigay nito sa kaniyang kapitbahay.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi kailangang lumaban ng Pilipinas sa dami ng barko o missile ng China para lamang maipagtanggol ang soberanya nito bagkus sa karapatan ng bansa alinsunod sa international law.