Hihilingin ng Office of the Ombudsman sa House prosecution team na isumite ang mga dokumento at ebidensya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng pasya ng prosekusyon na alisin ang Article 1, na may kinalaman sa confidential funds, sa impeachment case laban sa Bise Presidente.
Sa pulong-balitaan, kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kinokolekta na nila ang mga rekord para masuri bago ang posibleng paghahain ng reklamo.
Makikipag-ugnayan din aniya ang Ombudsman sa prosekusyon para sa turnover ng mga ebidensyang hawak nito, kabilang ang mga hindi pa naisasapubliko.
Posible rin umanong mapabilis ang pagresolba sa usapin kung pagbabatayan ang mga naunang testimonya ng mga testigo na under oath. Pero giit ni Remulla, kailangan ding matiyak ng Ombudsman na tatayo sa korte ang anumang kasong isasampa nila.
Matatandaang kinuwestiyon ang paggamit ng confidential funds ng Bise Presidente matapos lumabas na may mga pangalang tumanggap umano nito na walang rekord sa Philippine Statistics Authority, gaya ni “Mary Grace Piattos.” | ulat ni Diane Lear