Arestado ang isang Nigerian national habang nasabat ang nasa 3,510 tableta ng hininilang ecstasy na nagkakahalaga ng ₱5.97-M.
Ito’y sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 at PDEA Region 3 sa 1st Street, Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga kagabi.
Ayon kay PRO3 Director, PBGen. Jess Mendez, ang 46 anyos na Nigerian national ay sinasabing residente ng Mabalacat City at kabilang sa listahan ng mga High Value Individual.
Dinala na ang suspek gayundin ang mga nasabat na mga ebidensya sa Angeles City Police Station 4 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Binigyang diin ni PBGen. Mendez na kaya naging tagumpay ang operasyon ay dahil sa pinaigting na intelligence-driven operations kontra iligal na droga na bahagi ng JBM Kuyog system sa rehiyon.