Pinag-iingat ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senador Erwin Tulfo ang mga OFW sa France, Saudi Arabia at Israel sa gitna ng mga kagulugan at insidente ng karahasan sa mga lugar na ito.
Pinayuhan ni Tulfo ang mga Pilipino sa France, partikular sa Paris, na mag-ingat sa pagpasok sa trabaho dahil sa malawakang protesta, mararahas na sagupaan at pagnanakaw.
Sa Saudi Arabia naman, hinimok ng senador ang mga kababayan natin na subaybayan ang mga balita at maging mapagmatyag kasunod ng mga pag-atake ng Iran-backed Houthi rebels, kabilang ang insidente sa King Khalid International Airport na ikinasugat ng pitong OFW.
Sinabihan din ni Tulfo ang mga Pilipino sa Israel na hangga’t maaari ay iwasang pumunta sa West Bank dahil sa mga iniulat na pag-atake ng mga Israeli settler na nakamaskara laban sa ilang dayuhan.
Hinimok din ng senador ang lahat ng Pilipino na ipagdasal ang kaligtasan ng mga OFW at ng kanilang mga pamilyang naiwan sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion