Ipina-subpoena ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ang 21 indibidwal na makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa 521 kilo ng shabu na nasabat sa Laos at dadalhin sana sa Pilipinas.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co na layon nitong mabigyan sila ng pagkakataong ilahad ang kanilang panig.
Karamihan aniya sa kanila ay nagtungo na sa CIDG, at maaari pang madagdagan ang ipatatawag sa mga susunod na araw.
Nilinaw ni Co na hindi ibig sabihin nito na may direktang kaugnayan sa droga ang lahat ng ipinatawag. Pero maaari silang makapagbigay-linaw sa insidente.
Kabilang sa ipina-subpoena ang pulis na sangkot umano sa kaso, na inalis na sa puwesto.
Iniutos na rin ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang imbestigasyon laban sa naturang pulis.
“That’s why our chief of the Philippine National Police immediately ordered her relief from her position, para kung ito man ay ginagawa niya talaga, ay hindi na magawa pa, and for her not to be able to influence yung investigation pong gagawin. And now, she’s under investigation. We will let the matter take its course, yun pong investigation po,” ani Co.
Matatandaang sa isang Palace briefing, pinangalanan ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang 11 persons of interest, kabilang si Police Master Sergeant Aileen Jayne Manalo Mendoza mula sa Aviation Security Group.
Siya umano ang isa sa mga namagitan sa pag-hire ng chartered plane. Hinihikayat naman ng PNP ang iba pang ipinatawag na makipagtulungan, pumunta sa tanggapan ng CIDG, at dalhin ang mga kinakailangang dokumento.