Pinaiimbestigahan ng Police Regional Office 4A (CALABARZON) ang mga Chief of Police ng Antipolo at Baras gayundin na rin ang Provincial Director ng Rizal PNP.
Ito’y matapos ang nangyaring turuan ng dalawang police stations sa kung alin ang nakasasakop sa kaso ng celebrity Chef na si Muke Sarthou na mas kilalang si Chef Tatung.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Allen Rae Co, may mga paraan naman para matulungan ang nangangailangang kababayan kahit nasa labas ng kanilang nasasakupan kaya’t walang dahilan para sila’y pagpasa-pasahan.
Una rito, ipinag-utos ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang accounting sa mga naging aksyon ng kanilang mga tauhan.
Magugunitang idinulog ni Chef Tatung ang nangyaring nakawan sa kaniyang tahanan noong Setyembre 25 kung saan, nalimas ang kaniyang mga kagamitan sa bahay na nagkakahalaga ng ₱4 milyon.
Pero dahil sa nakatayo sa boundery ng Antipolo at Baras ang ninakawang bahay, wala umanong pulis ang tumugon sa sumbong at sa halip, nagpatulong na lamang sa barangay.
Dahil nag-viral ang reklamo, naaksyunan ng PNP ang usapin kung saan, nasakote sa Antipolo ang 26-anyos na suspek noong araw ng Linggo.
Nakuha rito ang isang maleta na may pangalan ni Chef Tatung laman ang iba’t ibang gamit sa kusina gayundin ng ilang dekorasyon na positibong kinilala ng tagapangalaga ng celebrity chef.