Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na mananatiling prayoridad sa panukalang 2027 National Budget ang pagtulong sa mga mag-aaral na makahabol sa kanilang mga aralin.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, maaaring pondohan ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program mula sa mga umiiral na alokasyon ng Department of Education (DepEd) kahit wala itong hiwalay na budget line item.
Kabilang dito ang panukalang ₱6.472 bilyong piso para sa textbooks at iba pang instructional materials, na maaari ring gamitin para sa learning resources ng ARAL alinsunod sa mga patakaran.
Maaari ring gamitin ang available na Personnel Services allotments para sa awtorisadong dagdag na bayad sa mga gurong nagbibigay ng tutoring services.
Kung kulang ang pondong ito, maaaring humiling ang DepEd ng karagdagang pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund.
Binigyang-diin ni De Leon na isinasaalang-alang sa paglalaan ng badyet ang aktuwal na pangangailangan at paggamit ng mga naunang pondo.