Sa harap ng banta ng Super Typhoon, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakaposisyon na ang relief goods sa mga liblib at isolated areas sa bansa.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kabilang sa mga lugar na may nakaimbak nang relief goods ang lalawigan ng Batanes.
Maging sa Cagayan Valley na inaasahang makararanas ng epekto ng bagyo, halos 200,000 family food packs na rin ang nakahanda para agad maipamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.
Sa kabuuan, may hawak na higit 4.57 milyong family food packs, 345,426 na non-food items, at 204,695 na kahon ng ready-to-eat food ang DSWD.
Tiniyak din ng ahensya na sapat ang pondo nito para suportahan ang mga LGU sa pagtugon sa kalamidad.
“Nais nating sabihin na wag po kayong matakot, nakahanda po ang ating pamahalaan sa pamumuno ng Pangulong [Ferdinand] Marcos Jr. para tugunan ang inyo pong pangangailangan. Ang mga local government units po ay nakahanda sa mga evacuation centers sapagkat nakapag-provide din po tayo ng technical assistance sa kanila sa pagtitiyak na maayos yung mga evacuation camps at sumusunod sa mga protocols at panuntunan na inilabas po natin,” pahayag ni ASec. Dumlao.
📸 DSWD

