Bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas, tuloy-tuloy na ang pag-iinspeksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) National Capital Region sa mga pampublikong sasakyan at pagbabantay sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kabilang sa ininspeksyon ang kahabaan ng Panay Avenue sa Quezon City para matiyak ang kaligtasan ng mga commuter at pagsunod ng mga operator at drayber sa mga umiiral na regulasyon.
Sinuri ng enforcement team ang mga dokumento at pangkalahatang kondisyon ng mga pampublikong sasakyan o PUVs upang matiyak na legal ang kanilang operasyon at ligtas silang sakyan.
Binigyang-diin din ng ahensya ang obligasyon ng mga operator at drayber na magkaloob ng 20% diskwento sa mga person with disability o PWD.
Tiniyak naman ng LTFRB-NCR na magpapatuloy ang inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan at terminal habang papalapit ang Undas, kung kailan inaasahang dadami ang mga biyahero.