Binigyang-diin ng World Bank ang kahalagahan ng pagbabago sa mga batas at proseso ng gobyerno bago isailalim sa digitalization ang mga serbisyo upang maiwasan ang paglipat lamang ng mabagal at komplikadong sistema sa online platforms.
Sa ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network, sinabi ni Dobromir Christow, Senior Private Sector Specialist ng World Bank Group, na hindi sapat ang teknolohiya upang malutas ang mga problemang nagmumula sa hindi maayos na mga batas at regulasyon.
Ayon kay Christow, dapat munang tukuyin ang mga problemang kailangang lutasin, suriin ang umiiral na legal framework, at baguhin ang mga proseso at tungkulin ng mga ahensiya bago magpatupad ng digital systems.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang tiyakin na kinikilala ng batas ang mga electronic application, dokumento, pirma, at pagbabayad bilang katumbas ng kanilang traditional counterpart.
Mahalaga rin ang koordinasyon at pagpapalitan ng datos sa pagitan ng mga ahensiya upang maging mas episyente ang mga digital na serbisyo.
Ayon sa World Bank, dapat magsimula sa maayos na reporma sa batas at proseso ang digitalization upang matiyak na tunay na mapabibilis ang serbisyo publiko at mababawasan ang pasanin sa mga negosyo at mamamayan. | ulat ni Ej Lazaro