Isinusulong ng Anti-Red Tape Authority o ARTA ang pagpapasimple ng mga permit at pag-uugnay ng mga proseso ng mga ahensya ng gobyerno upang mapabilis ang pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga pasilidad sa tubig sa bansa.
Sa ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practice Network, ibinahagi ni ARTA Better Regulations Office Director Marbida Marbida ang panukalang Executive Order na naglalayong alisin ang paulit-ulit na requirements at mapabilis ang pag-apruba sa mga proyektong may kinalaman sa suplay ng tubig at wastewater.
Sa ilalim ng panukala, ipatutupad ang iisang application form, sabayang pagproseso ng mga aplikasyon, at mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan.
Target din ng Electronic Water One-Stop Shop o eWOSS na pag-ugnayin sa isang digital platform ang mga kinauukulang ahensya.
Ayon kay Marbida, nabawasan na mula 34 tungo sa 14 ang documentary requirements sa nasabing proseso, habang asahang bababa naman mula 253 tungo sa 172 oras ang standard processing time.
Sa pamamagitan ng mga repormang ito, layon ng ARTA na mabawasan ang burukrasya at mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong magpapalakas sa suplay at seguridad sa tubig ng mga komunidad lalo na at nahaharap ang bansa sa banta ng El Niño.