Naghain sina House ICT Committee Chairman Migz Villafuerte at Deputy Majority Leader Luigi Villafuerte ng panukalang batas na magtatakda ng mga patakaran at pananagutan sa mga transaksyong isinasagawa ng artificial intelligence o AI agents.
Sa ilalim ng House Bill No. 11014 o AI Agent Transactions and Accountability Act, maaaring magsagawa ang AI agents ng mga kontrata, electronic documents at iba pang transaksyon kapag pinahintulutan ng isang tao o entity.
Itinatakda rin ng panukala na mananagot sa mga transaksyon ang tao o entity na nagbigay ng awtoridad sa AI agent, maliban sa ilang sitwasyon gaya ng pagnanakaw ng credentials, pandaraya at pakikialam ng mga third party.
Inaatasan naman ang Department of Information and Communications Technology na magtatag ng boluntaryong registration system at Digital Authority Credential upang mapatunayan ang pagkakakilanlan at awtoridad ng AI agents.
Lilimitahan ang mandatory registration sa mga transaksyong may mataas na halaga, mataas na panganib o malaking epekto sa sistema kapag hindi sapat ang umiiral na regulasyon.
Nakapaloob din sa panukala ng multang P200,000 hanggang P2 milyon at/o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.