Umabot na sa 2,061 overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ang nabigyan ng tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ayon sa DMW, ito ay matapos maapektuhan ng mga kanselasyon at pagkaantala ng kanilang flights.
Kabilang dito ang 1,765 OFWs sa Riyadh, 260 sa Jeddah, at 36 sa Al Khobar na nakatanggap ng pagkain, pansamantalang tirahan, transportasyon, tulong pinansyal, at serbisyong medikal at sikolohikal.
Ang tulong ay mula sa AKSYON Fund ng DMW at Emergency Repatriation Fund (ERF) ng OWWA, bilang bahagi ng Saving Lives component ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program.
Nasa 199 OFWs and family dependents na ang bilang ng nakauwi sa bansa mula October 19, 2026 sa pamamagitan ng koordinasyon ng OWWA at Migrant Workers Office (MWO) sa Riyadh.
Natulungan rin ng pamahalaan ang mga OFW na pansamantalang nawalan ng trabaho bunsod ng tigil operasyon ng mga paliparan sa Riyadh.
Mayroon rin 114 OFWs mula Maynila ang inalalayan ng DMW-OWWA dahil sa mga kanselasyon ng kanilang flights sa NAIA Terminals.
Bukod sa tulong habang nasa Saudi Arabia at pagpapauwi sa Pilipinas, nakahanda rin ang DMW, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng National Reintegration Network, na umalalay sa mga OFW sa kanilang pagbabalik-bansa.
Alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., layunin ng tulong na matugunan ang kanilang mga pangangailangan at masuportahan ang kanilang muling pagsisimula sa Pilipinas.