Nakahanda ang Department of Migrant Workers o DMW sa posibleng paglikas at repatriasyon ng mga Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na mga kilos-protesta sa France at Italy, ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Aniya, nagbukas na ang ahensya ng mga linya ng komunikasyon at tulong para sa mga Pilipinong nangangailangan ng saklolo. Sa kabila ng tensyon, nilinaw ng kalihim na wala pang Pilipinong naiulat na “adversely affected” o lubhang apektado ng mga kilos-protesta sa mga nagdaang araw.
Dagdag pa ng kalihim na personal nang nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigpit na bantayan ang sitwasyon at paghandaan ang posibilidad ng evacuation at repatriation. Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa mga embahada ng Pilipinas sa Paris at Rome, gayundin sa Consulate General’s Office sa Milan.
Matatandaang sumiklab ang mga protesta at sagupaan sa France dahil sa pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, habang sa Italy naman ay tinutulan ng mga nagpoprotesta ang pagtaas ng presyo ng langis at mababang pasahod.