Photo courtesy of Senate of the Philippines
Naghain si Senador Chiz Escudero ng panukalang batas na naglalayong alisin ang real property tax sa mga common area ng residential subdivisions at condominium.
Sa ilalim ng Senate Bill 2569, layong amyendahan ang Local Government Code para hindi na patawan ng buwis ang mga common area gaya ng hallway, lobby, parks at iba pang pasilidad na pinagsasaluhan ng mga residente, basta hindi ginagamit sa commercial o pagkakakitaan na aktibidad.
Ayon kay Escudero, ang buwis sa mga pasilidad na ito ay naipapasa sa mga residente sa pamamagitan ng mas mataas na monthly association dues.
Giit ng senador, dagdag-pasanin ito sa mga pamilyang nagbabayad na ng amortization, utilities at iba pang tumataas na gastusin.
Binanggit din niyang madalas hindi kwalipikado sa ayuda ang middle-income families kahit mabigat ang kanilang buwanang gastos.
Mananatili namang saklaw ng real property tax ang mga common area na gagamitin sa negosyo o iba pang income-generating activities.
Inaasahan ni Escudero na kapag naisabatas, makatutulong ang panukala na mapababa ang buwanang dues ng mga nakatira sa condominium at subdivision sa buong bansa.