Dapat managot sa unprogrammed funds sina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, ayon kay Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice.
Ginawa ni Erice ang pahayag matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang 2024 at 2025 national budgets dahil sa unprogrammed appropriations.
Paliwanag ni Erice, nakapaloob sa unprogrammed funds ang pondo para sa flood control at iba pang mga proyekto na matatawag natin na maanomalya.
Ayon kay Erice, hindi mangyayari ang unprogrammed appropriations kung hindi magkakasundo ang House Speaker, chairperson at vice chairperson ng House Committee on Appropriations.
“Hindi naman magkakasundo iyang dalawang iyan without the Speaker, the Committee on Appropriation, and the Senate President,” ani Erice.
Tinutukoy ni Erice sina Romualdez, na siyang House Speaker nang maipasa ang 2024 at 2025 national budgets, habang sina Co at Quimbo ay nagsilbing Appropriations chairpersons noong panahong iyon. Si Quimbo ay nagsilbing kinatawan 2nd District ng Marikina mula 2019 hanggang 2025 at tumayo ring bilang vice chairperson ng Committee on Appropriations. Itinalaga siyang chairperson nang magbitiw si Co.
Naupo rin si Quimbo bilang isa sa mga miyembro ng small committee kung saan diumano ay nangyari ang ilang insertions sa 2025 national budget.
Batay sa ulat, may apat na infrastructure projects si Quimbo sa kanyang distrito sa pamamagitan ng mga kompanyang pag-aari ng kontrobersyal na mga kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.