Tiniyak ng Department of Budget and Management o DBM na susundin nito ang mga direktiba ng Korte Suprema kaugnay ng Unprogrammed Appropriations o U-A sa ilalim ng 2026 national budget.
Ayon sa DBM, batay sa pahayag ni Secretary Kim Robert C. De Leon sa pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Oktubre 22, ang mga pondong inilabas sa ilalim ng 2026 U-A hanggang sa petsang iyon ay nakalaan lamang sa mga foreign-assisted projects, na may hiwalay na kondisyon sa pagpopondo na hindi pinawalang-bisa ng Korte Suprema.
Gayunman, sinabi ng DBM na maaari pa ring hilingin ng pamahalaan sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang desisyon sa pamamagitan ng wastong legal na proseso.
Patuloy namang ipatutupad ang mga probisyon ng 2026 national budget na hindi saklaw ng desisyon, basta’t sumusunod sa mga batas, kondisyon sa pagpopondo, at itinakdang proseso sa badyet.
Nakikipag-ugnayan din ang DBM sa Office of the Solicitor General at iba pang ahensiya upang pag-aralan ang legal, pinansiyal, teknikal, at operasyonal na epekto ng desisyon, habang tinitiyak ang katatagan ng pananalapi ng bansa at pagpapatuloy ng mga serbisyong pinahihintulutan ng batas.