Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga Law Enforcement Agency na tiyaking ligtas at maayos ang magiging pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at maiiwasan ang anumang karahasan.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na dapat matiyak ang kaligtasan kapwa ng senador at ng mga awtoridad dahil mapanganib ang ganitong uri ng operasyon.
Kasunod ito ng pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na maaaring umabot sa sampung libo ang mamatay sakaling magkaroon ng operasyon para arestuhin si Dela Rosa kaya nakikipagnegosasyon ang pamahalaan para sa pagsuko nito.
Una na ring binahagi ng kalihim na nakatanggap siya ng impormasyon dalawang buwan na ang nakalilipas na may armadong grupong nagpoprotekta sa senador.
Gayunman, iginiit ni Gatchalian na dapat panindigan ng pamahalaan ang otoridad nito at hindi magmukhang mas makapangyarihan ang naturang grupo kaysa sa gobyerno.
Ayon sa Senate President, hindi dapat nakikipagnegosasyon ang gobyerno sa mga armadong grupong walang pahintulot na magdala ng armas.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na wala pa siyang natatanggap na komunikasyon mula kay Dela Rosa, kabilang ang anumang kahilingan na ilagay siya sa kustodiya ng Senado.