Ipinahayag ni Bohol Rep. Kristina Tutor na hindi awtomatikong dahilan ang paghina ng piso kontra dolyar para magtaas ng singil sa kuryente ang mga electric company.
Naitala ang pagsara ng palitan ng piso sa US dollar sa pinakamababang record na ₱63.615.
Hinimok din ng lawmaker ang Energy Regulatory Commission (ERC) na gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang protektahan ang mga mamimili laban sa mga hindi makatwirang pagtaas ng bayarin sa kuryente.
Giit niya, dapat malinaw na ipaliwanag at patunayan ng mga distributor at supplier ng kuryente ang anumang karagdagang singil na iniuugnay sa pagbaba ng halaga ng piso.
Aniya, kailangang busisiin ng ERC ang mga singil na ito at huwag pahintulutan ang mga halagang walang sapat na batayan o hindi naaayon sa mga umiiral na kontrata at regulasyon.
Kung sakaling mapatunayang may sapat na batayan ang mga karagdagang gastusin, dapat itulak ng ERC na maipamahagi o installment ang pagkolekta sa mga ito sa loob ng hindi bababa sa anim na buwan sa pamamagitan ng mga kasunduan sa mga power supplier, sa halip na ipasa nang buo ang halaga sa mga mamimili sa iisang billing period lamang.