Bumuo ng bagong tracker teams ang Philippine National Police (PNP) para sa pag-aresto kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson PCOL Allen Rae Co sa katatapos na Command Conference ng Pambansang Pulisya sa Camp Crame.
Ayon kay Co, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paigtingin ang manhunt operation laban kay Dela Rosa, bumuo ng bagong tracker teams ang PNP na tututok sa pagtugis sa senador.
Sinabi rin ni Co na binubuo ng iba’t ibang unit ng PNP ang tracker teams, kabilang ang Special Action Force (SAF).
Sa tanong kung bakit magbibigay pa ng P50 milyon na pabuya ang pamahalaan gayong alam naman na nasa Mindanao na umano ang lokasyon ng senador.
“Iba-iba naman kagaya ng palagi nating sinasabi yung mga tao na pinaghahanap ng batas ay nagtatago di po ba. Puwede rin naman mag-move. I am not saying that is what happened, pero hindi naman static ang isang tao sa isang area lang. Kagaya nga ng sabi natin, we are giving the senator a chance to end this peacefully and with dignity,” ani Co.
Matatandaang binigyan ng DILG ng isang linggong ultimatum si Dela Rosa para mapayapang sumuko sa mga awtoridad. Sa ngayon, wala pa ring ipinaabot na surrender feeler ang kampo ng senador.