Sinegundahan ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagkuwestyon ni Senador Ping Lacson sa pangangailangan ng P50 milyong pabuya para sa ikadarakip ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Noong October 23, inanunsyo ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang P50-milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakadakip kay Dela Rosa, na itinuring niyang “armed and dangerous.”
Ayon kay De Lima, kung alam na ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng senador, dapat ipaliwanag kung ano pa ang dahilan para maglaan ng malaking halaga bilang pabuya sa kanyang pagkakadakip.
Una nang sinabi ni De Lima na bilang mambabatas at dating hepe ng Philippine National Police, dapat alam ni Dela Rosa ang kanyang obligasyon sa batas.
Hinimok niya ang senador na sumuko na sa mga awtoridad.
Nagbabala rin si De Lima na maaaring managot ang sinumang tumutulong kay Dela Rosa upang patuloy na makaiwas sa pagpapatupad ng batas. | ulat ni Kathleen Forbes