Nanindigan ang Senate Minority bloc para sa karapatan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa due process at nanawagan ng mapayapang pagresolba sa sitwasyon sa pamamagitan ng dayalogo at pagsunod sa batas.
Sa pahayag ng minority senators, iginiit nilang dapat mabigyan si Dela Rosa ng pagkakataong sagutin sa mga Korte ng Pilipinas ang mga paratang laban sa kanya.
Nanawagan din sila sa gobyerno, mga otoridad, kay Dela Rosa, sa kanyang pamilya, mga abogado at sa mga tagasuporta ng senador na magpakita ng hinahon at panatilihing bukas ang komunikasyon para maiwasan ang karahasan.
Welcome rin sa minority senators ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na mas nais nito ang negosasyon at matapos ang usapin sa paraang naaayon sa batas.
Apela rin ng Minority kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa mga kinauukulang ahensya, makipag-ugnayan sa mga abogado ni Dela Rosa para makahanap ng legal at mapayapang paraan para maresolba ang sitwasyon.
Handa rin anila silang tumulong sa pag-uusap para matiyak na maipatutupad ang batas, mapangangalagaan ang karapatan ng senador at maisusulong ang hustisya nang walang karahasang magaganap.