Kinuwestiyon ni Senate Energy Committee Chairman Erwin Tulfo ang kakulangan ng linaw sa paniningil ng bill deposit sa mga konsumer ng kuryente.
Ayon kay Tulfo, may ilang konsumer na nag-ulat ng halos dobleng taas ng kanilang electric bills dahil sa bill deposit.
Bagama’t kinikilala ng senador na pinahihintulutan ng batas ang pagkolekta ng bill deposit, iginiit niyang may karapatan rin ang mga konsumer sa malinaw at transparent na billing.
Reklamo ng mga konsumer, mas mataas pa ang nakasaad na “other charges” kaysa sa singil sa aktwal na konsumo ng kuryente pero hindi naman malinaw kung ano ang mga ito.
Dahil dito, hinimok ni Senator Erwin ang mga power distribution utilities na maging considerate sa mga konsumer, lalo na sa harap ng inaasahang epekto ng very strong El Niño sa gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Suportado rin ng senador ang mga panuntunang inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nag-uutos sa mga distribution utility na bigyan ang mga konsumer ng opsyong bayaran ang bill deposit ng installment o sa tatlong pantay na buwanang hulog.
Hinikayat rin ni Tulfo ang mga kumpanya ng kuryente na tiyakin ang transparency sa paniningil at isaalang-alang ang kapakanan ng mga konsumer sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa hulugang pagbabayad.