Kukuha ng expertise ang Philippine National Police (PNP) mula sa South Korea para mas mapalakas ang kampanya laban sa transnational crimes.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., susuriin ng pulisya ang mga subok na paraan at makabagong teknolohiya ng South Korea sa imbestigasyon, crime prevention at pagharap sa mga bagong banta sa seguridad.
Kasabay nito ang pagdalo nina Nartatez at DILG Secretary Jonvic Remulla sa 8th Korea Police World Expo 2026 sa Incheon, South Korea, mula October 21 hanggang 24, upang palalimin ang ugnayan ng pulisya ng dalawang bansa.
Iginiit ni Nartatez na hindi sapat ang dami ng pulis sa makabagong law enforcement, kaya kailangan ang intelligence, technology, professionalism at international cooperation.
Tiniyak din niyang ipagpapatuloy ang modernisasyon ng PNP nang may paggalang sa batas, karapatang pantao at tiwala ng publiko.
Samantala, nakipagpulong din ang delegasyon ng Pilipinas sa Korean National Police Agency para pag-usapan ang mga posibleng kooperasyon sa pagtugon sa krimen.