Inihain ni House Committee on Dangerous Drugs Chair at Las Piñas Representative Mark Anthony Santos ng panukalang batas na naglalayong palakasin ang aksyon ng pamahalaan laban sa malalaking international drug syndicates.
Sa ilalim ng House Bill Number 11751 o Anti-Narco-Terrorism Act of 2026, maaaring ikonsidera bilang mga teroristang organisasyon ang mga transnational drug-trafficking group, alinsunod sa itinakdang pamantayan at legal na safeguards.
Aameyndahan nito ang Anti-Terrorism Act of 2020 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 upang matugunan ang mga puwang sa batas na maaaring samantalahin ng mga sindikato.
Ituturing na narco-terrorism ang malawakang ilegal na droga na isinasagawa ng mga miyembro, lider o financier ng mga transnational syndicate.
Paparusahan din sa ilalim ng panukala ang mga magpopondo o magbibigay ng materyal na suporta sa mga naturang grupo.
Pinahihintulutan din ng panukala ang mga korte sa Pilipinas na dinggin ang ilang kasong may kaugnayan sa droga na ginawa sa ibang bansa kung ang iligal na droga ay nakatakdang dalhin sa Pilipinas o dadaan sa bansa.
Sa paraang ito mapapanagot hindi lang ang mga nagdadala ng iligal na droga kundi pati ang mga lider, financier, at facilitator na nasa likod ng malawakang operasyon ng mga international drug syndicate.