Sa gitna ng patuloy na pag-iral ng panahon ng Habagat o Southwest Monsoon, hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maagap sa pagbibigay-proteksyon hindi lamang sa pisikal na kalusugan kundi pati na rin sa kalusugang pangkaisipan o mental health sa panahon ng mga kalamidad.
Ayon sa DOH, malaki ang epekto ng mga sakuna at masamang panahon sa stress levels at kabuuang kaginhawaan ng isang tao. Kaya naman mahalagang maglaan ng kaukulang pansin sa pag-aalaga sa sarili sa gitna ng mga pagsubok dulot ng kalikasan.
Bilang gabay sa publiko, nagbahagi ang ahensya ng ilang simpleng pamamaraan upang mapanatili ang kalmado at malusog na pangangatawan at kaisipan:
- Pagsasanay sa paghinga (Breathing exercises): Kapag nakararamdam ng labis na pagkabalisa o sobrang pagod, pinapayuhan ang pagbagal ng mga kilos at pag-focus sa paghinga. Inirerekomenda ang marahan na paglanghap sa loob ng apat na segundo, pagpigil nito nang sandali, at dahan-dahang pagbuga upang kumalma ang katawan.
- Paghingi ng tulong: Para sa mga nangangailangan ng gabay at suporta sa mental health, bukas ang mga pinakamalapit na health center sa komunidad o maaaring tumawag nang libre sa National Center for Mental Health (NCMH) Hotline sa numerong 1553.
Patuloy ding pinaaalalahanan ng pamahalaan ang mga komunidad na manatiling laging handa, alerto, at magtulungan sa pagtataguyod ng kaligtasan ng bawat pamilya laban sa mga panganib ng iba’t ibang uri ng sakuna.