Nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tatapusin ng kanyang administrasyon ang land transfer program ng repormang agraryo bago matapos ang kanyang termino sa taong 2028.
Isinagawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang maikling pagbisita noong Biyernes ng umaga, Oktubre 23, sa Jaro Sports Complex kung saan personal niyang ipinamahagi ang mga e-title sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Kasama ang Kalihim ng Agrarian Reform na si Conrado Estrella III, binigyang-diin ng Pangulo ang personal at pangkasaysayang kahalagahan ng nasabing programa. Binanggit nito na ang repormang agraryo ay sinimulan ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kasama ang lolo ng kasalukuyang DAR Secretary na si Conrado Estrella Sr.
Kaya naman ayon sa Pangulo, obligasyon nilang tapusin ang mahalagang gawaing sinimulan ng kanilang mga ninuno.Sa naturang kaganapan, pinangunahan nina Pangulong Marcos at Secretary Estrella ang pamamahagi ng 536 na indibidwal na titulo ng lupa sa 508 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, Samar, at Leyte.
Ayon kay DAR Eastern Visayas Regional Director Atty. Robert Anthony Yu, ang mga ipinamahaging e-title ay sumasaklaw sa kabuuang 670.5 ektarya ng lupang sakahan sa buong rehiyon.
Kabilang sa mga nakatanggap ng titulo si Lydia Bollecer, 79-taong gulang mula sa Kananga, Leyte, na nagpaabot ng pasasalamat sa Pangulo matapos ang mahabang panahon ng paghihintay. Nakatanggap din ng e-title ang 26-taong gulang na si Roy Vincent Catalino mula Hilongos, Leyte, na kumatawan sa kaniyang amang si Raul.
Naglaan din ng oras ang Pangulo upang makipag-usap sa ilang magsasaka, kabilang ang pagbisita sa tahanan ng 78-taong gulang na si Dominador Arguelles sa Barangay Burabod upang personal na iabot ang titulo ng lupa na 37 taon nitong inabangan.
Matapos ang aktibidad sa Jaro, nagtungo ang Pangulo sa bayan ng Kananga, Leyte para sa pagpasinaya ng isang solar powered irrigation project.
📸 DAR8