Hindi nakabatay sa mga numero kundi sa bigat ng ebidensiya at testimonya ng mga testigo ang kumpiyansa ng House prosecution panel sa posibilidad na mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment case laban sa kanya.
Ito ang paglilinaw ni House prosecution adviser Ace Barbers nang tanungin kung may hawak nang mga numero ang prosekusyon na magtitiyak sa conviction ng Bise Presidente.
Ayon kay Barbers, naniniwala silang makakakumbinsi sa mga senator-judges ang mga dokumento at testimonya na kanilang iniharap.
Binigyang-diin niya na hindi umano gawa-gawa o peke ang mga ebidensiya dahil nagmula ang mga ito sa mga ahensiya ng gobyerno, mga komersiyal na bangko at Bureau of Internal Revenue o BIR.
Kabilang dito ang mga dokumentong may kaugnayan sa mga tax filing, bank account, customer records at mga insurance policy at investment ng mag-asawang Duterte-Carpio.