Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 129 upang pansamantalang itaas ang Minimum Access Volume (MAV) para sa angkat na mais ngayong taong 2026. Layunin ng naturang hakbang na patatagin ang presyo ng animal feeds at maiwasan ang biglaang pagtaas sa presyo ng karne sa merkado, habang pinangangalagaan pa rin ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.
Sa ilalim ng EO No. 129, itataas ang MAV ng mais mula sa dating 220,000 metric tons (MT) tungo sa 500,000 MT. Nagbibigay ito ng karagdagang 280,000 MT na allowance sa pag-angkat ng mais na may mababang antas ng taripa.
Ang mais ang pangunahing sangkap sa paggawa ng feeds para sa mga baboy at manok. Kapag nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng mais, tumataas ang gastos sa pag-aalaga ng hayop na nagiging dahilan naman ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at manok sa mga pamilihan.
Ayon sa Malacañang, ang karagdagang suplay na ito ay magbibigay ng mahalagang suporta sa mga sumusunod na sektor:
- Livestock at Poultry Raisers: Tiyak na may maaasahang suplay ng feeds upang maipagpatuloy ang produksyon.
- Feed Millers: Magkakaroon ng sapat na pangunahing sangkap para sa pagmamanupaktura ng feeds.
- Mga Pamilyang Pilipino: Makatutulong upang maiwasan ang biglaang pag-lonbo ng presyo ng karne ng baboy at manok, bagamat nilinaw na layunin nitong ibsan ang price pressure at hindi ito awtomatikong nangangahulugan ng pagbaba ng presyo.
- Lokal na Magsasaka: Ang karagdagang pag-angkat ay maingat na itinakda bilang pandagdag lamang sa lokal na produksyon upang hindi maipit ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng mais.
Bukod dito, itinatakda rin ng EO No. 129 ang pagbuo ng mga malinaw at patas na alituntunin para sa tamang paglalaan at pamamahagi ng karagdagang 280,000 MT ng mais.