Suportado ni House prosecution panel member at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang pagrepaso ng mga batas laban sa libel at cyberlibel upang mapangalagaan ang press freedom nang hindi isinasantabi ang karapatan ng mga indibidwal sa kanilang reputasyon.
Ito ay kasunod ng pag-aresto sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. noong Oktubre 24 sa bisa ng warrant kaugnay ng cyberlibel complaint na inihain ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Ridon na dapat suriin ng Kongreso kung patas at balanse ang umiiral na mga batas sa pagitan ng karapatan ng mga indibidwal na ipagtanggol ang kanilang reputasyon at ng karapatan ng mga mamamahayag na mag-ulat tungkol sa mga isyung mahalaga sa publiko.
Aniya hindi dapat matakot ang mga mamamahayag na magtanong at mag-ulat tungkol sa mga isyung may malaking epekto sa publiko.
Mahalaga rin aniyang matukoy kung ang banta ng kasong kriminal ay nakapipigil sa mga mamamahayag na mag-ulat tungkol sa mga kontrobersiyal na isyu. Paalala naman ni Ridon na hindi nangangahulugan na sa pagrepaso sa batas ay maaari nang magpakalat ng maling impormasyon.