Binigyan ng Department of Justice o DOJ Panel of Prosecutors ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG ng hanggang Nobyembre 6 para magsumite ng reply affidavit sa counter-affidavit na inihain ni dating Senate Sergeant-at-Arms, retired General Mao Aplasca, kaugnay ng kinakaharap nitong reklamong direct assault.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na nagsumite si Aplasca ng kaniyang counter-affidavit ngayong hapon kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Senado noong May.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Martinez na nasa pagpapasya ng PNP-CIDG kung magsusumite pa ito ng reply affidavit.
Kung hindi na maghahain ng karagdagang dokumento ang complainant, isusumite ang kaso for resolution sa November 13.
Kung magsusumite naman ng reply affidavit ang PNP-CIDG, bibigyan sina Aplasca at dalawa pang respondent ng hanggang Nobyembre 13 para maghain ng rejoinder affidavit bilang tugon sa mga bago o karagdagang alegasyon sa reply ng complainant. Pagkatapos nito, isusumite ang kaso for resolution.
Sa yugtong ito, tutukuyin ng mga prosecutor kung may sapat na ebidensiya o prima facie evidence para maisampa ang kaso sa Korte.
Ipinaliwanag naman ni Martinez na ang PNP-CIDG ang nagsisilbing complainant dahil ito ang nag-imbestiga sa insidente, habang ang National Bureau of Investigation o NBI, na kabilang sa salaysay tungkol sa pangyayari, ay magsisilbing testigo. | ulat ni DK Zarate