Hinatulan ng tatlong taon at isang araw hanggang apat na taong pagkakakulong ang isang indibidwal na sangkot sa ilegal na pagbibiyahe ng mga puslit na sigarilyo sa Sarangani.
Sa desisyon noong October 21, napatunayang nagkasala ang akusado sa Regional Trial Court Branch 47 sa Alabel, Sarangani dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Nag-ugat ang kaso sa checkpoint operation ng Philippine National Police noong January 23, 2025, sa Barangay Katuabo, Kiamba, Sarangani.
Nasabat dito ang kabuuang 8,600 ream ng sigarilyong New Berlin at King Perfect na nagkakahalaga ng mahigit ₱6.75 milyon.
Iniutos din ng korte ang pagkumpiska sa mga sigarilyo pabor sa pamahalaan. Pangangasiwaan ng Bureau of Customs Sub-Port of General Santos ang disposisyon ng mga ito alinsunod sa batas.