Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 20, Series of 2026, na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino kahapon Oktubre 27, para matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa laban sa heat stress.
Sa ilalim ng guidelines, kailangang magbigay ang mga delivery platform ng inuming tubig, pahingahang may lilim o maayos na bentilasyon, at paalala sa pag-inom ng tubig kapag nasa 27 hanggang 32 degrees Celsius ang heat index.
Kapag umabot sa 33 hanggang 41 degrees Celsius, kailangan ang regular na pahinga, hydration breaks, cooling areas, protective equipment, at access sa mga sinanay na first-aider.
Sa heat index na 42 hanggang 51 degrees Celsius, kailangang limitahan ang exposure ng mga rider sa init sa pamamagitan ng flexible work arrangements.
Kapag umabot naman sa 52 degrees Celsius pataas, dapat ihinto, ipagpaliban o ilipat ang trabaho kung hindi na makokontrol ang panganib.
Para sa mahahalagang delivery gaya ng gamot, pagkain at emergency supplies, tanging kinakailangang bilang ng mga rider ang dapat italaga, at dapat boluntaryo ang kanilang pagpasok. Kailangan din ang rider rotation, mas maikling exposure sa init, first aid at emergency transport.
Binigyang-diin ni Tolentino na hindi dapat parusahan ang mga rider na tumatangging bumiyahe dahil sa matinding init. Dapat ding ipaalam sa mga rider at customer kung posibleng maantala ang mga delivery.
Inaatasan din ang mga employer na tasahin at idokumento ang mga panganib na dulot ng init, subaybayan ang mga advisory ng PAGASA, at isama ang mga contingency measure sa kanilang occupational safety and health programs at emergency plans.