Photo courtesy of MTRCB
Nagsasagawa na rin ng inspeksiyon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa mga transport terminal sa Metro Manila bilang paghahanda sa Undas rush.
Layunin nitong matiyak na G o PG-rated lamang ang mga palabas sa mga bus upang maprotektahan ang mga batang pasahero.
Nagsimula ang inspeksyon noong October 27 at magtatapos ngayong October 29. Saklaw nito ang 10 lungsod sa Metro Manila at Bocaue, Bulacan.
Hinimok ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang mga terminal operator at driver na tiyaking angkop sa mga bata ang mga palabas habang bumibiyahe.
Sa ilalim ng MTRCB Memorandum Circular Number 03-2024, tanging G o General Audience at PG o Parental Guidance-rated na pelikula at trailer ang maaaring ipalabas sa mga pampublikong sasakyan.
Ang G rating ay angkop sa lahat ng edad, habang ang PG rating ay nangangailangan ng gabay ng magulang o guardian para sa mga batang manonood.